Ekonomiya at Pulitika ng Pilipinas

Chapter 2

II. Krisis ng Malapyudal na Ekonomya
Ang monopolyong kapitalismong US ay nagkaroon ng malakas na impluwensya sa ekonomya ng Pilipinas kaya nahugis ito sa malapyudal na ekonomya at matatag na nailagay sa saklaw ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang sistemang kalakal ay nanaig sa likas na ekonomyang nakakasapat sa sarili. Pero ang katutubong pyudalismo ay ipinailalim lamang sa panlabas na kapangyarihang pang-industriya.

Pangunahing agraryo at di-industriyal ang mga pwersa ng produksyon at ang prinsipal na kasangkapan sa produksyon ay lupaing pang-agrikultura. Walang gaanong ginagamit na modernong teknolohiyang pansaka na lampas sa lakas ng magsasaka, mga kagamitang demano, araro at mga hayop na pantrabaho sa mga taniman. Ang bawat mga modernong kagamitan sa mga sektor ng ekonomya sa agrikultura, industriya at serbisyo ay imported, gayun din ang mga demanong kagamitan. Ang mayoridad ng mga tao sa produksyon ay binubuo ng mga magsasaka’t manggagawa sa bukid at minoridad naman ang mga manggagawang pang-industriya.
Ang malaking burgesyang komprador ang nangingibabaw na uri sa mga relasyon sa produksyon. Itinatakda nito ang malapyudal na katangian ng ekonomya. Bilang pangunahing ahente ng monopolyong kapitalismong US sa kalakalan at pinansya, naghahari ito sa sistemang kalakal at nagpapasya kung ano ang sistema ng produksyon at distribusyon. Ang uring panginoong maylupa ay nananatiling isang natatanging uri. Pumapangalawa ito ngayon sa malaking burgesyang komprador bilang mapagsamantalang uri, at sila’y mas higit na malaganap kaysa sa mga ito. Ang malalaking burukratang kapitalista ay malalaking komprador at malalaking panginoong maylupa na tumingkad na gayon sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang kapangyarihan. Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang pinakatampok na halimbawa ng burukratang kapitalismo ay iyong sa bumagsak na rehimeng Marcos. Panggitnang burgesya naman ang mga pambansang negosyante na pangunahing nasa magaang pagmamanupaktura at nagmamay-ari ng kasangkapan sa produksyon. Hangad nilang isulong ang pambansang industriyalisasyon at magkaroon ng pangunahing pusisyon sa ekonomya, pero ginigipit sila ng mga dayuhang monopolyo, malaking komprador at malaking panginoong maylupa. Ang mga negosyanteng panggitnang burgesya ay direktang namamahala sa kanilang mga empresa sa produksyon. Kabilang naman sa petiburgesya ng lunsod ang mga propesyunal, teknisyan at iba pang intelihensya, gayundin ang maliit na mga negosyante at mangangalakal—sila ang pinakamalaking saray ng burgesya. Ang pinakamapagsamantalang mga uri at mga pambansang burgesya ang umuupa ng mga propesyunal at teknisyan para sa kanilang mga empresa. Samantala, ang proletaryo sa industriya ang pinakaprogresibong pwersa ng produksyon sa bayan ngayon. Nagbebenta sila ng kanilang lakas-paggawa sa mga may-ari ng kapital. Hangad nila ang pambansang industriyalisasyon para mapalaki ang kanilang bilang at lakas, at sa gayon, gustung-gustong makibaka sa dayuhan at pyudal na dominasyon. Ang uring magsasaka ang pinakamarami at pinakapinag-sasamantalahang uri sa malapyudal na ekonomya. Dumaranas sila ng pyudal at malapyudal na mga pangingikil at nakikibaka para sa reporma sa lupa.

Bilang kakabit ng monopolyong kapitalsimong US, ang agraryong malapyudal na ekonomya ng Pilipinas ay nahihirapan sa mga patakaran ng US sa kalakalan at pamumuhunan, na direktang idinidikta ng mga awtoridad ng US, multinasyonal na kumpanya at bangko sa mga awtoridad ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga ahensyang multilateral tulad ng IMF at World Bank. Pinagduduldulan ng US ang liberalisasyon ng import dahil gusto nitong ipatupad ang opensiba sa kalakalan para mabawasan ang napakalaking depisit nito sa kalakalan. Laging iniipit ng US ang malayang pagdaloy sa bayan ng direktang pamumuhunan ng dayuhan at sobra-sobrang pribilehiyo para sa mga ito. Laging sinisigurado ng US na kontrolado nito ang estratehikong mga linya ng negosyo, pero namumuhunan ito sa paraang hindi humahantong sa pundamental at komprehensibong industriyalisasyon ng bayan at sa balanseng ekonomya. Ang Pilipinas ay natambakan ng mga dayuhang pautang na hindi talaga kailanman mababayaran batay sa ekonomyang agraryo nito, at ang Pilipinas ay patuloy na malulubog sa utang. Dahil sa palalang-palalang sosyo-ekonomikong krisis, ang pambansang burgesya ay naliligalig ng peligrong mapawi ang kabuhayan sa pamamagitan ng liberalisasyon sa import at iba pang antinasyunal at anti-industriyal na mga patakaran, at may tendensyang mas matinding maggiit ng proteksyon. Ang petiburgesyang lunsod ay patuloy na dumaranas ng palalang paghihirap at kasalatan. Walang tigil na bumabaling sila sa direksyon ng rebolusyonaryong pulitika at nakikipagkapit-bisig sa masang anakpawis sa iisang pakikibaka. Ang mga manggagawa ay naghihimagsik sa laganap na kawalan ng trabaho, mababang sahod, at walang tigil na implasyon. Patuloy na ginagawa ng uring ito na paaralan ng rebolusyon ang kilusang unyon. Marami sa mga manggagawang walang trabaho ay tumigil na sa paghahanap ng tabaho at bumabaling sa direksyon ng panlipunang rebolusyon. Walang patutunguhan ang lahat ng mahalagang patakaran at landas ng pagkilos na isinasagawa sa saklaw ng malapyudal na ekonomya. Patungo sa rebolusyon sa lipunan ang mga kontradiksyong nasa loob ng moda ng produksyon.

Makibaka at 7:58 PM

maystar designsmaystar designsmaystar designs
Get awesome blog templates like this one from BlogSkins.com